Loading...
Alt

Mga Hamon sa Buhay OFW at ang Kanilang mga Solusyon

Mga Bagong Bayani—iyon ang tawag natin sa ating mga OFW. Ang pagtrabaho sa ibang bansa malayo sa pamilya ay isang matinding sakripisyo. Dala nito ang iba’t ibang problema at hamon na kailangang nilang malampasan. Sa aming pagsusuri, may anim na klase ng problem na kadalasang mararanasan ng mga OFW.

Importante na mapag-usapan natin ang mga problemang ito para madagdagan ang kaalaman ng mga nagtatangkang magtrabaho sa labas at makatulong sa kanilang paghahanda.

1. Culture Shock

Nangyayari ang culture shock kapag ang isang tao ay nakaranas ng pagkalito o stress dahil hindi sila pamilyar sa kultura, gawi, at pananalita sa isang lugar. Bilang OFW, kailangang mag-adjust sa kultura ng bansa na iyong pinagtatrabahuan. Maaaring iba ang wika or relihiyon ng mga tao sa bansang ito. Maaari ring iba ang mga batas doon at hindi pwedeng magsamba o kumain ng mga uri ng pagkain na labag sa kanilang paniniwala. Maraming kuwentong nakakatawa o nakakahiya ang mga OFW na pumunta sa lugar na hindi handa o walang alam tungkol sa kultura roon. Ano kaya ang puwede nating gawin para iwasan na mangyari sa atin ito?

Solusyon: Research

Mahirap na sitwasyon ang pag-adjust sa ibang kultura. Upang makapaghanda, mag research muna bago pumunta sa ibang bansa. Napakaraming impormasyon ang mahahanap natin sa internet tungkol sa iba’t ibang lugar at ang mga tao at kulturan roon. Puwede ding mag-interview ng mga OFW na kakauwi lang mula sa bansang gusto ninyong puntahan. Higit sa lahat, upang mas makapaghanda kayo, pag-aralan ang pananalita ng bansang iyon.

2. Pagbabago sa Kapaligiran

Bukod sa kultura, iba din ang klima at anyo ng lupain ng bawat bansa. Iba-iba rin ang natural resources o kapaligiran ng mga bansang ito. Isang halimbawa ang Middle East. Sa Pilipinas, sanay tayo na maraming iba’t-ibang pagkukunan ng tubig. Ngunit ang Middle East ay isang lugar na kilala dahil sa kanyang mga disyerto. Kulang ang tubig doon at, base sa mga kuwento ng ating mga OFW, kadalasang tubig-dagat ang lumalabas sa gripo. Sa Japan naman, sobrang lamig kapag winter. Sanay tayo sa init ng panahon sa Pilipinas kaya hindi kataka-taka na nahihirapang mag-adjust ang ibang Pilipino sa lamig ng panahon sa Japan. Kaya kapag winter, lumalakas ang paggamit ng heater sa mga bahay ng mga OFW.

Solusyon: Mag-interview ng mga nanggaling na OFW doon

Kadalasan, kahit makabasa na tayo ng impormasyon tungkol sa bansang tutuluyan, hindi pa rin tayo tuluyang handa. Iba rin ang impormasyon na galing mismo sa taong kilala o kaharapang kausap. Isang magandang istratehiya para makapaghanda ang pakipag-usap sa mga OFW na galing sa bansang iyong patutunguhan. Sa ganitong paraan, malalaman mo ang kanilang mga karanasan, kahirapan, at paano sila nag-adjust para malampasan ito. Iba rin kasi makipagkuwentuhan ang kapwa Pinoy. Siguradong marami kang matutunan na makakatulong sa iyong pagdedesisyon at paghahanda.

3. Pakikisama sa trabaho

Ika nga nating mga Pilipino, “Bagong hari, bagong ugali.” Ngayon naman, “Bagong opisina, bagong pakikisama.” Ang bawat organisasyon sa ibang bansa ay mayroong iba-ibang management style at iba-ibang kultura ng pagtratrabaho. Halimbawa, sa Japan, hindi ka maaring umuwi ng mas maaga kaysa sa boss mo. Kapag ginawa mo ito, ang magiging tingin sa iyo ng mga katrabaho mong Hapon ay makasarili at hindi iniisip ang kapakanan ng kumpanya.

Solusyon: Pag-aralan ang istilo ng pagtratrabaho sa bansang pupuntahan at usisain ang kumpanyang papasukan.

Malaki ang tulong ng pag-research sa paghahanda. Pag-aralan ang working style ng iba-ibang nationality para maiwasan ang nakakahiyang karanasan. Base sa pag-aaral, pinahahalagahan ng mga tao sa Western na mga kultura ang oras. Hindi puwedeng mahuli sa pagpasok sa trabaho o pagpunta sa interview. Aralan din ng maigi ang kumpanya na naglabas ng job order na balak mong apply-an. Puwedeng magtanong sa interviewer kung anong klaseng work culture ang puwede mong maasahan.

4. Pagkakaroon ng homesickness o pangugulila sa mahal sa buhay

Ayon sa isang manunulat na si Bienvenido N. Santos, ang Pinoy lang umano ang lagi na namamatay dahil sa kalungkutan. Hindi biro ang homesickness sa ating mga Pilipino dahil tayo ay mahilig makipagkapwa-tao. Maraming mga OFW ang umuuwi dahil sa dahilan na ito at kadalasan ay sinusukat na ng mga employer ang kakayahan ng aplikanteng malampasan ang homesickness.

Solusyon: Sumali sa komunidad ng mga Pilipino sa bansang tutuluyan

Dahil sa Filipino diaspora, kahit saang sulok kang pumunta sa mundo, mayroon kang mahahanap na kapwa Pinoy. Puwede kang maghanap sa Facebook ng mga grupo o komunidad ng OFWs sa bansang kinaroroonan. Ang kapwa Pilipino ay magbibigay sa iyo ng kailangan mong social connections para kayanin ang kalungkutan sa ibang bansa.

5. Krisis

Kahit gaano ka ka-handa, may mga pagkakataong nangyayari na hindi inaasahan tulad ng mga krisis o sakuna. Maari ito maging krisis pulitikal sa bansang pinagtatrabahuan, isang natural disaster tulad ng linog o bagyo, o kaya ay isang abusadong employer.

Solusyon: Gumawa ng listahan ng mga maaring lapitan na organisasyon o kawani ng gobyerno kapag emergency

Alamin kung nasaan ang pinakamalapit na embahada ng Pilipinas sa lugar na tinutuluyan para may ma-contact at mapupuntahan kapag may nangyaring sakuna. Dapat din ay mayroon kang alam na mga emergency services sa inyong lugar upang makahingi ng saklolo sa panahon ng natural disaster.

6. Problema ng pamilya

Parte ng buhay pamilya ang pagkakaroon ng problema. Nakakadagdag sa hamon na ito ang pagiging OFW. Mayroong mga sitwasyon kung saan malimit ang pagkakataong makauwi sa Pilipinas ang isang Filipino worker. Minsan, nakaka apekto ito sa relasyong mag-asawa. Marami na tayong narinig na kuwento tungkol sa pagtataksil na nakakasira ng pamilya. Isa ring hamon ang distansiya kapag ikaw ay isang magulang. Mayroong mga anak na lumaki na wala ang kanilang magulang na OFW. Nakakaapekto ito sa relasyong mag-ina o mag-ama at maraming mga anak ng OFW ang hindi malapit sa kanilang mga magulang.

Solusyon: Laging gumawa ng paraan para bukas ang komunikasyon sa iyong pamilya

Maraming teknolohiya sa komunikasyon ngayon ang makakatulong sa mga OFW na malalayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Dahil sa internet, hindi na kailangang maghintay ng matagal para makatanggap ng balita galing sa ibang bansa. Sa pamamaraan ng social media, maaari nang magpadala ng mga instant messages at chat para kumustahin ang pamilya. Puwede ring mag Skype at video call para laging nakikita at nakakausap ang iyong mga magulang, asawa, at anak. Bagama’t hindi ito perpektong solusyon, napakalaki na rin ang tulong ng teknolohiya para magsilbing tulay sa mga OFW at sa kanilang mga mahal sa buhay.

Anim lang ito sa pinakakaraniwang problema na nararanasan ng mga OFW. Mayroon ba kaming nakaligtaan? Kung mayroon, ano sa tingin mo ang magandang solusyon dito? Parami ng parami sa ating mga kapwa Pinoy ang nangingibang bansa. Nakakatakot man ang pakipagsapalaran sa ibang bansa, sa pamamagitan ng paghahanda at pagtutulungan, kakayanin natin ‘to!

Kung kailangan ninyo ng gabay o makakausap tungkol sa inyong buhay-trabaho abroad, pumunta lang po sa aming Contact Us section at sabihan kami gamit ang feedback form.

Ano pang mga kuwentong OFW ang gustong pag-usapan? Magmessage o magcomment sa aming Facebook page sa https://www.facebook.com/mylabormatters

 

SUMMARY:

This article quickly goes through the common issues and concerns that the jobseeker and eventual migrant worker may experience when they begin their life in another country. It emphasizes the importance of research both through the internet and even from other Filipinos who have gone through the same experience, as well as having the information concerning government agencies and NGOs who may help them in times of crisis. It also brings up how the overseas posting might put a strain on the family’s relationship and encourages keeping open communications among the family members. The article encourages its reader to contact the MyLabor Matters website or Facebook page for any guidance or questions.