People of the Philippines vs. Illegal Recruiters: Ano ang Sinasabi ng Batas Tungkol sa Illegal Recruitment

People of the Philippines

Gusto mong mabago ang buhay ng kaibigan mo kaya isinama mo siya sa recruitment agency mo kahit di ka pa sigurado kung maayos ito o isa itong pekeng agency. Bad move. Dahil sa ginawa mo, maari kang makasuhan ng Illegal Recruitment kasama ng bogus agency na nanloko din sa iyo.

Kailangan nating alamin ang batas ng maigi para maintindihan kung gaano kadaling maging illegal recruiter kahit hindi natin ito sinasadya.

Gusto man din ng My Labors Team na mag-refer sa aming mambabasa sa mga ethical recruitment agencies, hindi din po namin magawa dahil wala po kaming lisensya para magrecruit. Pero dapat po nating unawain na sobrang sensitibo ng illegal recruitment at sobrang nakakasira ito ng buhay kaya kailangang gumamit ng kamay na bakal ang batas pagdating dito.

Upang sama-sama nating mapag-aralan kung ano ang Illegal Recruitment, sinalin po ng aming team at inayos ang format ng Section 6 of Republic Act. No 8042, as amended by Republic Act No. 10022.

“Ang ibig sabihin ng Illegal Recruitment ay anumang gawain ng

  1. paghahanap,
  2. pagtatala,
  3. pangongontrata,
  4. transportasyon,
  5. paggamit,
  6. pag-hire,
  7. o pagkuha ng mga manggagawa
  8. at pag-rerefer,
  9. pangongontrata ng serbisyo,
  10. pangangako o pag-advertise para sa pagtratrabaho abroad,

pagkakitaan man o hindi, ng walang lisensya o awtoridad base sa Article 13(f) ng Presidential Decree No. 442, na inamyendahan; na ang ibang tawag ay ang Labor Code of the Philippines. Tratratuhin yung walang lisensya o awtoridad, kung sa kahit anong paraan ay nagaalok o nangangako, for a fee, ng trabaho abroad sa dalawa o higit pang katao na sangkot sa aktibidad ng Illegal Recruitment.”

(Sinalin, binago ng format at sinemplehan ng My Labor Matters Team mula sa Ingles.)

Wait po, there’s more. Dahil ang depinisyon ng Illegal Recruitment ay lalo pang pinagrabe ng Supreme Court. Ang mga batas po kasi ay nababago ayon sa paglilitis sa pinakamataas na korte ng bansa. At ayon sa mga hurado ng institusyon kasali ang mga sumusunod sa Illegal Recruitment:

  1. Kahit aplikante ka pero nirefer mo ang mga katrabaho mo sa isang agency at tumulong mangolekta ng papeles o fees, gumawa ka na ng illegal recruitment. Base ito sa kaso ni Nelly Goce na nirefer ang mga katrabaho niya at pinakilala sa mag-asawang me recruitment business (People vs Goce, 247 SCRA 780)
  2. Kahit isang tao lang ang na-recruit basta walang lisensya yung nag-recruit at nangako ng trabaho abroad, illegal recruitment pa din.
  3. Kahit walang intensyong masama ang tao sa pagaalok ng trabaho sa kasama, basta nangako pa din ng trabaho abroad, illegal recruitment pa din ang bagsak.
  4. Ang pagbibigay pa lang ng impresyon na kayang magpadala ng tao sa abroad ng isang indibidwal ay pwede nang ikonsidera bilang offense ng illegal recruitment. So yung mga taong nagkwekwento na nakapagpaalis sila abroad o umaasta silang kaya nilang magpa-abroad basta mabayaran sila, pwede pa ding makasuhan ng illegal recruitment.
  5. Kapag nangako ang isang tao ng trabaho abroad, kahit nabayaran na ng pera o hindi pa, illegal recruitment na ito.
  6. Kahit walang tinagong resibo para sa recruitment activities ang inaakusahan ng illegal recruitment ay madaling madali pa din itong mako-convict. Hinding hindi hihina ang kaso ng prosecution kahit walang transaction records.

Kaya po ang mga illegal recruiter diyan, itigil niyo na po ang inyong gawain dahil me pangil ang batas. Yung mga nagmamabuti naman po, mag-ingat at huwag na pong magrefer para hindi mapahamak o makapahamak ng kapwa. Sa mga biktima po ng mga illegal recruiter, huwag po kayong matakot, ika nga ng isang abogado sa TV, kakampi niyo ang batas.

Kung mayroon kayong kwento tungkol sa Illegal Recruitment, ipagbigay alam lang po sa aming feedback form. Salamat po, mga ka-My Labor Matters.

Sa mga applicants po na papunta ng Japan at mga trainee na malapit na pong umalis papunta sa Japan, magkakaroon po kami ng libreng seminar sa darating na linggo, May 29, 2016. Magregister lang po sa link na matatagpuan sa article na ito.