Palit Bansa, Palit Kontrata: Ang Modus ng Contract Substitution

01_Palit Bansa

Tulad ng isang salita, ang nilalaman ng kontrata ay sagrado. Ang lahat ng nakasulat dito ay dapat sinusunod hanggang sa kahuli-hulihang letra. Sa perpektong mundo, nirerespeto ang nakasaad sa loob ng kasulatang ito.

Sa tunay na mundo, nagkakaroon ng insidente na napapalitan yung laman ng kontrata kapag palipad na o lumipad na ang OFW patungo sa country of destination. Sama-sama nating tingnan ang iba-ibang moda kung paano pinapalitan ang kontrata ng OFW mula sa magagandang termino hanggang sa panget at lugi para sa kanila:

Kontrata sa Pinas, Bagong Kontrata sa Pagtratrabahuhang Bansa

Bago umalis, siyempre may kontratang pipirmahan ang ating mga OFW na may basbas ng POEA. Ang problema, pagdating sa bagong bansa, pinapipirmahan ang mga OFW ng bagong kontrata ng kanilang employer.

Kadalasan, nakasulat pa ang bagong kontrata sa lenggwaheng hindi naiintindihan ng trabahador. Nagiging komplikado ang usapan kung mauuwi ito sa korte dahil wala namang kapangyarihan ang korte ng Pilipinas at korte ng bagong bansa upang maghusga sa kontratang pinirmahan sa kabilang bansa. Ang talunan talaga dito ay ang OFW.

Verbal Contract sa Pilipinas, Nakasulat na Kontrata sa Pagtratabahuhang Bansa

Parang door-to-door salesperson ang mga illegal recruiter. Magandang makisama parang kaibigan lang. Mangangako ng magandang bagay ang recruiter. Siyempre tiwala naman ang OFW dahil akala niya friendship sila. Hanggang makadating sa ibang bansa at malaman na lang ng OFW na drawing lang pala ang pinagsasabi ng recruiter.

Masahol pa diyan, may mga kontrata na nagsasabing hindi pwedeng gumawa ng reklamo ng kahit na ano ang OFW tungkol sa employer niya doon sa bansang kinasadlakan. Saklap.

Kontrata sa Pinas, Hindi Tugmang Visa sa Bansang Pagtratrabahuhan

Kapag long term work dapat long term working visa ang ibibigay. Ganun dapat. Pero hindi nasusunod ang formula na ito. Maaring mapadala sa ibang bansa para magtrabaho pero ang visa lang ng OFW ay tourist.

Ang masahol pa na ginagawa ng mga masasamang employer ay gagamitin pa ang problema sa visa para alipinin ang Pilipinong trabahador. Kung naglapse na ang visa, ikukulong na lang ang OFW ng employer sa apartment o sa pinagtratrabahuhang factory para umano hindi ito mahuli. O kaya tatakutin ang Pinoy na magtrabaho kung hindi ipahuhuli siya ng employer.

Dahil sa takot, wala na lang gagawin ang OFW.

Sinusunod ang Unang Kontrata, Panget Naman ang Sumunod

Siyempre kapag nagtagal ka sa amo mo, dapat may dagdag na benepisyo’t sahod. Dapag binibigyan ng halaga ang loyalty. Hindi naman ito illegal pero isa pa ding malungkot na realidad para sa ilang OFW.

Sinunod lahat ng employer nila yung unang kontrata pero doon sa susunod na pirmahan hindi sing ganda ng una. Maaring may bawas sa sahod. Maaring isa na lang ang rest day. Hindi naman pwedeng tanggihan ng trabahador dahil ipauulit sa kanya muli ang recruitment process.

Kaya pakiusap, bago ka umalis, tandaang mabuti ang detalye ng kontrata ng hindi mabulilyaso pagdating mo sa country of destination. Kung naka-engkwentro ka na ng ganitong kaso, ipagbigay alam lang sa amin sa aming feedback form.