Nasaan Ang Passport Mo?: Ang Isyu ng Witholding Personal Identifying Documents

nasaan-ang-passport-mo

Nakakabit ang buhay mo sa iyong pasaporte at iba pang personal identifying documents kapag nagtratrabaho ka sa ibang bansa. Paano mo nga ba naman mapapatunayan kung sino ka at kung bakit ka naroroon? Anong ebidensya ang hawak para patunayan mo kung ano ang sinasabi mo?

Hindi biro kung hindi mo dala o wala kang access sa iyong passport sa ibang bansa. Ito ang mga maaring mga resulta nito:

1. No freedom of movement

Kung wala sa iyo ang iyong passport, wala kang laya sa pag-galaw. Kapag migrante ka sa ibang bansa maari kang tanungin ng pulis kung nasaan ang passport mo at kung wala sa iyo ito baka sa presinto ka na pagpaliwanagin. At kung alam mo ito, siguro ay mamarapatin mo na lang na huwag na umalis ng bahay. Alam ito ng mga masasamang employer kaya kadalasan tinatago nila ang mga passport ng kanilang mga manggagawa para limitahan ang kanilang pag-galaw.

2. Walang kalayaang makapagbago ng trabaho

Kapag migrante ka kailangan mong ipakita na may tamang klase ka ng visa para sa pagtratrabaho. Kung hindi mo hawak ang passport mo, hindi mo mapapatunayan na may permiso kang magtrabaho sa bansang iyon. Ginagawa din ito ng mga masasamang employer para hindi makalipat ng ibang kumpanya ang kanilang mga trabahador. Walang kakayahang maglipat ng trabaho, walang kakayahan para makatakas mula sa mapang-abusong employer.

3. Maaring mapagkamalang Undocumented Worker

Ang pagkakaiba ng Documented at Undocumented Worker ay ang pagkakaroon ng passport. Ang passport kasi ang pinaglalagyan ng visa na binibigay lang ng mga foreign government kapag may valid contract. Kapag walang passport, walang ebidensya ang manggagawa na legal ang kanyang pagstay at maari siyang makulong at madeport kung wala ito.

4. Walang access sa mga consular at social services

May mga trabahador na dahil hindi nila mapatunayan ang status ng kanilang residency ay hindi na lumalapit sa embassy o sa mga social services departments ng bansang tinutuluyan. Yung takot nila na maisip na illegal worker sila ang nagpipigil sa kanila na manghingi ng tulong sa mga representante ng kanilang mga gobyerno o kaya’y lumapit sa mga serbisyo kapag sila’y nagkakasakit.

Ang My Labor Matters Team ay mariing tinututulan ang ganitong praktis dahil ang pag-withhold ng identifying documents ang isa sa mga rekado ng Forced Labor o Human Trafficking. Ipinagbabawal ng mga gobyerno sa buong mundo na itago ng employer ang passport ng kanilang mga migrant worker except sa mga bansang nag-iimplement ng Kafala System na Saudi Arabia, Qatar, UAE, Lebanon, Iraq, Jordan, Kuwait, at Oman.

Kung magtratrabaho sa ibang bansa, huwag na huwag po ninyong ibigay ng basta-basta ang passport niyo. Kapag kailangan talaga ibigay, siguraduhin na mayroon kayong access parati kung kakailanganin niyo ito at dapat po ay manghingi kayo ng waiver na nagpapakitang nasa kanila ang napakahalagang dokumento na ito.