MLM Migrant Stories: The Killer Laundry Machine

MLM Migrant Story

Kung papipiliin ka sa dalawa, anong pipiliin mo? Hanap-buhay o Buhay?

Noong bumisita ang My Labor Matters sa Japan noong Abril, narinig naming ang kwento ni Tita Melding (di niya tunay na pangalan) na nagtratrabaho sa isang laundry factory sa Nagoya.

Ayon kay Tita, maganda naman ang pasahod sa kumpanya. Nakalampas isang taon na siya dito at papunta na sa ikalawang taon ang kanyang pagsusumikap sa produksyon. Ang facility ay naglalaba ng mga linens para sa mga naglalakihang hotel sa kanyang prefecture at maganda naman ang daloy ng gawain.

Ang problema lang nila ay mayroon silang kinakatakutang makina sa factory na ito. Ang makina ay isang malaking conveyor belt na nagdadala ng sako-sakong mga linen sa isang drop-off point sa factory floor. Ang nasabing makina ay kayang magdeliver ng isang sako pero minute at ang isang sako ng linen ay tumitimbang ng 70 kilos. Dapat walang tao sa area kung saan babagsak ang mga sako at dapat may pumipindot ng button para marelease ang sako.

Pero minsan, mayroong machine glitch at magbabagsak na lang ng sako ang makinarya. Me tao man o wala.

Eh sa isang pagkakataon, may minalas na Indonesian na nandun sa spot na bumabagsak ang sako. Itinakbo sa hospital ang Indonesian migrant worker at kinailangang operahan dahil sa nabasag na bungo.

Nakabalik naman sa trabaho ang biktima pagtapos magpahinga ng ilang buwan ngunit hindi na ito nagreklamo. Samantalang, laging may pangamba na lang ang kanyang mga katrabaho tulad ni Tita Melding para sa kanilang kalusugan at buhay.

Kumausap sila ng labor activist at lawyer mula sa isang rights group at ang advice nito ay magtimpi muna sila. Kuhanin muna nila ang tiwala ng kanilang mga employer at saka subukan nila itong kausapin. Kung gusto nilang magreklamo sa Labor Standards Bureau ay dapat siguraduhin ng magsusumbong na pa-endo na ang kanyang kontrata. Dahil kapag dumating na ang gobyerno at makilala ng mga employer kung sino ang nagreklamo, hindi na ito irerenew.

Sa ngayon, patuloy pa din ang pag-andar ng makina na ito. Naglalaglag ito ng isang sako kada minuto. Isipin po natin ang tunog ng pagbagsak ng 70 kilos sa konkretong sahig. Parang kulog siguro ito sa sentido ng taong babasagan nito ng bungo.

Notes at Advice ng MLM

  • Nag-advice ang labor rights lawyer na mag-organize ang mga trabahador sa factory at kausapin ang management dito bago isuplong sa gobyerno o bago ipag-bigay alam na komunsulta sila sa mga grupo sa labas ng kumpanya. Importante sa mga Japanese ang pagrespeto sa privacy ng nangyayari sa loob ng grupo at baka kaya namang i-solve ng management ang problema. Kapag hindi daw ay saka uli lumapit.
  • Sa panig naman ng MLM, naniniwala po kami na hindi dapat ipagkibit-balikat ang danger at health hazard sa trabaho. Mas sagrado at importante pa din ang buhay ng tao.
  • Iba talaga ang kultura ng pagtratrabaho sa Japan. Kailangang makiparis ang migrant worker sa lebel ng kanilang pagkalinga sa kumpanya. Ngunit ang violation ay violation. Mayroong mga batas at mga karapatan sa ilalim ng mga convention ng International Labor Organizations na dapat sundin ng lahat ng mga kumpanya sa buong mundo kahit sa Japan man. Aralin po natin ito at turuan ang kapwa trabahador tungkol sa mga ito. Mag-usap at mag-organize at pinakahuli ay mag-mobilize para sa maayos na solusyon sa mga problema sa buhay trabaho.