MLM Migrant Stories: Di Mapipigil ang Sisid ni Samboy

Di Mapipigil

Naging puhunan na ni Samboy ang kaniyang talento sa teknikal na gawain para umasenso sa buhay. Kahit nung nasa klase pa lang siya, napapansin ng kanyang mga kaklase na steady lang ang kanyang kamay tuwing naghihinang siya ng bakal sa kanilang Welding course.

Parati namang mataas ang grades niya sa skills evaluation. Kahit nung nag-apply siya ng trabaho sa Japan, pansin na pansin ng mga recruiter at ng mga principal na aral siya kahit sa paglalatag pa lang ng kanyang gamit.

Ngunit kahit pa gaano kagaling mag-welding si Samboy, hindi pa din mataas ang kaniyang sahod sa trabaho sa Japan. Dahil trainee ang turing sa mga applicant na galing ng JITCO program, pang intern lang ang sahod kahit pa pakomplikado at pakomplikado na ang mga hinihinang niyang parte ng kotse. Hindi tumataas ng 70,000 Yen ang kanyang sahod na kanyang  sinisipi at tinatago para ipadala pa din sa pamilya gayong tinatago ng kanyang mga amo ang ibang parte ng kanyang sahod.

Lumipas ang tatlong taon at natutunan na ni Samboy lahat ng kailangan niyang matutunan. Panahon na para lumipat sa ibang trabaho at sa ibang bansa para matuto siya ng bagong skills. Mayroong kumpanya sa Canada na maaring magturo sa kanya ng Submerged Arc Welding – yung tipo ng welding na ginagawa sa ilalim ng dagat. Mataas ang binabayad sa mga taong may ganitong skill at kadalasan ay nililipad sila sa iba’t ibang parte ng mundo para sa mga proyekto sa iba’t ibang karagatan.

Ang problema lang ay hindi binibigay kay Samboy ang kanyang employment certificate na matagal na niyang ni-request sa kanyang Buchou (department supervisor). Dumaan ang mga araw at naging lingo. Ang mga linggo ay naging buwan hanggang matapos na ang kontrata ni Samboy.

Kinulit at kinulit at kinulit ni Samboy hanggang maibigay sa kanya ang employment certificate na hinahanap niya at umuwi na sa Pilipinas. Ngayon, naghahanda na si Samboy sa kanyang susunod na assignment.

Kung kayo si Samboy hihingin niyo din ba ang employment certificate?

Pag-usapan po natin ang kaso niya. Ano ang gagawin niyo sa lagay niya. Para sa pribadong kwentuhan, mag message lang po sa aming feedback form.