MLM Migrant Stories: Ang Kamangmangan ni Jeff

MLM Migrant

Kahit pangalawang taon na ito ni Jeff sa trabaho niya sa isang pipe factory sa Tohoku, hindi pa rin maintindihan ang pinagsasabi ng kanyang supervisor at ng kanyang mga katrabaho sa factory. Umiikot ang ulo ni Jeff kapag lumalabas mula sa kanyang bahay dahil na din sa kakaibang paraan ng pagsusulat ng mga Japanese na kanilang inangkat pa mula sa matandang sibilisasyon ng China. Pakiramdam ni Jeff ay parang pinagbabawalan siyang lumabas ng mga pulang kasulatan na umiilaw sa labas ng kanyang bintana gabi-gabi.

Parating tinutuluan ng pawis si Jeff kapag kinakausap siya ng kanyang boss sa Nihongo. “Jeff-san, daijoubu desu ka. Shigouto wa ii desu ka.” Na siya namang sasagutin ni Jeff ng kamot sa ulo at pagsabi ng “hai” na tila yun na lang ang alam niyang salita sa mundo.

Hindi naman lingid ito sa kaalaman ng isa sa mga bisor ni Jeff kaya kung ano-ano na lang na mura ang sinasabi nito sa kanya:

“Aho!”
“Baka!”
“Yaro!”

At dahil hindi naman tuod itong si Jeff, sinusubukan niyang pag-aralan ang sinasabi sa kanya ng mga kasama. Sabik kasi siyang magkaroon ng kausap at kaibigan. Noong nalaman ni Jeff ang ibig sabihin ng Aho, ng Baka, ng Yaro, naiyak siya sa matinding sama ng loob at naisip ang mga pamilya’t kaibigan sa Pilipinas na hindi magkamayaw na sabihin sa kanyang mabuti siyang anak, asawa, kaibigan, at tao.

“Ang isipin ko na lang, gusto akong pakainin ng baka ng bisor ko. Masarap ang baka.” Sabi ni Jeff sa sarili. Mahirap nga namang maging mangmang sa kultura ng iba kaya minabuti na lang niyang tawanan ang mga pagkakamali niya.

Pero siyempre hindi pwedeng tawanan na lang lahat. Minsan na-aksidente sa pagmomotorsiklo si Jeff. Nabali ang kanyang kamay at ang masahol pa sa kawalan ng kakayahang magtrabaho ay natalo sa lokal na traffic court ang kanilang kaso. Kinuha ng kanyang bisor ang kanyang benepisyo mula sa accident insurance at sinabing kailangan niyang bayaran ang kanilang kumpanya dahil sa kanyang kapabayaan sa pagmamaneho.

Hindi na nakalaban si Jeff. Ano nga ba ang magagawa niya. Hindi niya alam ang batas sa Japan at wala siyang kakilalang Hapon na maaring tumulong sa kanya.

Wala na namang magawa si Jeff at kahit ang mga kasama niyang trainee sa kwarto ay wala ding magawa sa pakiramdam nilang pangloloko ng kanilang bisor. Biro ba naman, sinisingil sila ng tig 30,000 Yen para sa apartment na pang-isahang tao lang. At ang presyo na binabayad ng mga katrabaho nilang mga Hapon na may kanya-kanyang kwarto na solo: 30,000 yen. Lumalabas na sobra-sobra ang binabawas sa mga trainees para sa upa. Mababa na nga ang pasahod, pinagtutubuan pa.

Ano nga ba ang magagawa ni Jeff kung hindi tumawa na lang?

Advice ng My Labor Matters Team

Kahit banyaga man ang manggagawa, tinuturing pa din silang patas at pantay ng katrabaho nilang Hapon sa ilalim ng batas. Kung nakaramdam ng hindi tamang pagtrato, dapat maglakas-loob ang trabahador na humingi ng tulong. Sa Japan, maraming asosyasyon ng mga Filipino at iilan sa kanila ay dedicated na nagbibigay payo at umaaksyon sa problemang kinakaharap ng mga kababayang tulad ni Jeff.

Maliwanag na maliwanag na binubully si Jeff ng kanyang bisor. Tumigil na dapat ito sa verbal abuse ngunit nauwi pa ito sa pang iiilit ng kanyang accident premium. Pruweba ito na kapag hindi hinaharap ang mga nangaabuso ng kanilang kapangyarihan, lalala lang ang pangaabuso at gragrabe lang.

Ang pagsasalita ng tapat at pagtapat sa kahina-hinalang gawain ay susi sa pagsupil nito.

Kung kayo ay may kasong kamukha ng kay Jeff, maaring tumawag, magcomment sa post na ito, o sumulat sa aming feedback form.