Boss Ko, Bully Ko: Power Harassment sa Japan

Boss Ko

Ayon sa mga trainees na aming nakausap sa Japan, kung sagana man sila, sagana sila sa batok at mura ng kanilang buchou o supervisor. Dahil po sa mataas na antas ng language barrier sa Japan, kadalasan ay hindi maiintindihan kaagad ng trainees ang utos ng kanilang boss. Dito mamumunga ang hindi pagkakaintindi sa panget na trabaho na siyang magbubunsod sa galit ng amo.

Talamak ang ganitong problema sa mga maraming kumpanya sa Japan. Ayon sa isang survey na ginawa ng Health, Labor, and Welfare Ministry ng Japan mula July hanggang September 2012 sa mga empleyado ng 4,580 na kumpanya – 1 out of 4 employees ang nakakaranas ng anyo ng workplace violence na tinatawag na Power Harassment.[“The Problem of Power Harassment.” The Japan Times. The Japan Times Ltd., 22 Jan. 2013. Web. 16 July 2016.] Sa sobrang talamak ng ganitong pang-aabuso ay tila naging parte ng buhay trabahador sa Japan.

Ayon sa Gobyerno ng Japan ang Power Harassment ay isang akto ng isang empleyado, gamit ang kanyang nakakataas na posisyon o senyoridad ng posisyon sa kapwa manggagawa na nagdudulot sa katrabaho na iyon ng mental or physical stress o pagkasira ng working environment mula sa tamang sakop ng negosyo ng kumpanya.

Base sa depinisyong ito, maling-mali na itratong parang bata ang mga trainees na pwedeng palu-paluin lang. Simula pa lang ng 1950s, marami ng mga bansa sa Europe ang gumagawa ng hakbang para proteksyunan ang mga manggagawa. Tinatrato ng World Health Organization ang violence bilang isang klase ng sakit na dapat bigyan ng pansin dahil sa nakakasama nitong epekto sa pangmatagalang kalusugan ng mga manggagawa.

Ayon sa report ng Health, Labor, and Welfare Ministry ang Power Harassment ay maaring mahulog sa 6 na kategorya:

 

Category Depinisyon/Halimbawa
Physical Abuse Paninipa, panununtok, pambabatok, pangbabato ng bagay-bagay.
Mental Abuse Pamimintang, paninirang-puri, pananakot o mga aksyon na nakakasira sa motibasyon at pagiisip ng manggagawa. Mga insidente ng pangmamaliit gamit ang mga salita tulad nito: “Araw-araw mo na ngang ginagawa yan, bobo pa din trabaho mo.”
Isolation o Social Abuse Uri ng abuso na pagtatakwil sa manggagawa o pagpuputol ng kakayahan nito na makipag-ugnayan sa iba. Maaring mahulog dito ang mga hindi pagbibigay ng company memo o notice, pagkulong sa dorm o sa cubicle ng walang ginagawa, hindi pagimbita sa company parties.
Excessive work demands Pagpapatrabaho ng mga bagay na hindi kailangan ng kumpanya,  pagpapagawa ng mga bagay na imposibleng makamit, o pagpapagawa ng mga bagay na hindi naman kasama sa napag-usapang trabaho.
Insufficient work demands Hindi pagbibigay ng trabaho o hindi pagbibigay ng trabaho ayon sa kaalaman at training ng manggagawa. Halimbawa: Sanitation engineer na manual na nagsosort ng recyclable sa non-recyclable o Nurse na taga-timpla ng kape.
Invasion of privacy Panghihimasok sa personal na pamumuhay ng trabahador. Halimbawa: Kapag tapos na ang trabaho at nasa dorm na ang trainee ay pinakikialaman pa din ang kanyang gawain ng kanyang bisor.

Sa experience ng My Labor Matters team, may mga trainees ang nakakapagreport at nakakapaglabas ng sama ng loob sa amin. Ang problema ay hindi naitutuloy ang aksyon dahil sa takot na din ng mga nagsalita na mawalan ng trabaho o matanggal mula sa trainee program. Hindi po madaling maging matapang dahil wala ding guarantees na maproproteksyunan ang kabuhayan ng ating kababayan. Ang abiso kadalasan ng mga nagtratrabaho para sa gobyerno ay ang posibleng pagkawala ng trabaho. Sino nga ba naman ang magsasalita pag ganito?

Ang problema lang sa Power Harassment or Workplace Bullying ay maaring lumala ang problema. Kung walang magsasalita, iisipin na lang ng abusadong bisor o boss ay okay lang gawin ng gawin ito. Maaring lumala ng lumala din ang anyo ng abuso. Dati batok lang, paano kung mauwi hanggang sa panununtok sa sikmura? Dati minsan lang sa isang linggo tapos bigla na lang itong maging araw-araw? Kaya timbangin din kung hahayaang maghari ang ganitong ugali o bigyang-liwanag ang workplace violence bilang isang masamang sakit na papatay sa negosyo at sa tao.