Ang Utang na Aalipin sa Iyo: Ang Modus ng Debt Bondage

Ang Utang Na Aalipin

Likas sa ating Pilipino ang tumanaw at magbayad ng utang na loob. Lalong-lalo na yung klase ng utang na loob na tingin natin ay sobrang nagpabago at nagpaganda ng ating buhay. Pero minsan may utang kang hindi mababayaran at ito ang magiging sanhi upang maging alila ka sa ibang bansa. Ika nga nila “chains is coming.”

Kapag ginagawa kang alila dahil sa utang, ang tawag dito ay debt bondage. Yung pinsan mo na umalis papuntang Taiwan o Middle East na nagbabayad ng kanyang utang buwan-buwan at walang maipadala dahil sa malaking interes ay nakakaranas ng Debt Bondage.

Nangyayari ang debt bondage habang sa recruitment stage pa lang. Sa totoo lang kasi magastos ang lumipad papuntang ibang bansa upang magtrabaho. Andyan ang gastos sa uupahang tirahan at sa pagkain at pamasahe habang wala pa ang unang pasahod. Hindi naman lahat ng tao ay may salapi para sa 200,000 yen (Mga 88,000 pesos humigit-kumulang) na maaring gastusin sa unang buwan sa Japan.

Sino muna ang magbabayad nito? Sino pa kung hindi ang iyong recruiter o loan agency na kadikit ng recruitment agency. Kadalasan ang utang ay nasa higit sa 200% – 800% na totoong ginastos ng recruitment agency sa pagpapadala ng tao.

Halimbawa, si Mercy na isang caregiver sa Japan ay may utang na 500,000 JPY nang makarating sila ng Japan nang una silang dumating noong 2012. Ang sahod lang ni Mercy ay umaabot lang ng 200,000 JPY at mayroon siyang kasamang dalawang anak na kailangang pag-aralin sa school. Kinakaltasan si Mercy ng 25,000 hanggang 30,000 buwan-buwan na pera sanang makakatulong sa kanilang makaluwag.  Nahirapan si Mercy sa unang dalawang taon niya sa Japan dahil sa utang na yun.

Kung tutuusin mild lang ang problema ni Mercy kumpara sa mga Filipino na pinadala sa Australia noong 2013. Ayon sa balitang ito ng workplacenews ng Australia, ang mga OFW na ito ay umutang ng may 13,000 to 15,000 Australian Dollars na may interes na 45%. Ang suma total ng utang ay nagkakahalaga ng ikatlo o 1/3rd ng kanilang taunang sahod at ito ang nagiging sanhi na hindi kayang magpadala ang mga OFW sa kani-kanilang mga pamilya.

Ano ang ating magagawa sa Debt Bondage? Higit ngayon kailangan nating ipaglaban ang Zero Recruitment Fees sa mga recruitment agency. Kailangang maglabas ang mga kumpanya na nagrerecruit ng mga trabahador para sa airline ticket at kung ano pa mang singilin na kasama sa placement fee. Para sa kanila din naman ito dahil ang trabahador na hindi ginigipit ng utang ay hindi tatakas at makakapagtrabaho ng maayos sa bansang pupuntahan.

Kung kayo ay may karanasan sa Debt Bondage o kaya’y gustong magkwento ng insidente nito pakimensahe lang po kami sa aming feedback form. Salamat po!