7 Factors na Dapat Tingnan sa Pamimili ng Bansang Papasukan

Kung desidido ka ng mag-abroad, ang susunod na tanong ay kung saang bansa ka magtratrabaho. Huwag basta mamili ng bansa dahil may trabaho doon. May dapat kang tingnan upang makita mo kung magiging ligtas ang sitwasyon mo doon.

  1. May embahada ang Pilipinas doon

Ang pagkakaroon ng embassy ay pagpapakita ng solidong ugnayan sa dalawang bansa. Importante ang embassy dahil may mapagdudulugan sa matinding problema kung saka-sakali.

  1. May mga job order ang mga trabaho mula sa bansang iyon sa POEA

Importanteng hindi fly-by-night lang ang inyong recruiter o kaya’y maipapadala ka sa bansang walang sapat na proteksyon mula sa Pilipinas. Lahat ng mga job order sa POEA ay siguradong nagdaan sa pagsusuri ng gobyerno at mayroong sapat na ebidensya naman na ligtas ang pagpapadalhang bansa.

  1. Mayroong mga bilateral agreement ang Pilipinas at nasabing bansa para sa mga proteksyon ng OFW

Kahit may embahada o job order, minsan hindi pa ganoon kaayos ang trato sa mga OFW. Piliin lang ang mga bansang mayroong bilateral agreement ang Pilipinas sa bansang pagpapadalhan para may guarantee kayo na tutulungan kayo ng inyong host country.

Tingnan niyo lang po ang mga listahan ng mga sumusunod na bansa dito sa pahinang ito ng POEA.

  1. Ang nasabing bansa ay signatory sa mga International Labour Organization conventions

Ang International Labour Organization o ILO ay sangay ng United Nations na tumatalakay sa lahat ng usapin ukol sa pagtratrabaho. Mayroon silang mga convention o set ng mga policy na nangangalaga sa mga trabahador.

Mayroon silang directory ng mga bansang pumirma sa ilang mga conventions nila para manggagawa dito.

  1. Maganda ang peace and order situation sa nasabing bansa

Itinigil na ng Pilipinas ang pagpapadala sa Lebanon dahil sa gulo sa nasabing bansa dati ngunit mayroon pa ding mga OFW ang tumutuloy dito. Alaming maigi ang inyong susuunging sitwasyon sa pakikinig at pagbabasa ng balita upang hindi kayo masadlak sa war zone.

  1. May mga komunidad ng mga kapwa Filipino doon

Ika nga ng isang manunulat na Pilipino, ang Pilipino lang daw ang namamatay dahil sa kalungkutan. Importanteng may kababayan kung saan ka pupunta para maging iyong kasangga.

  1. Maraming support network na maaaring lapitan kung saka-sakali

Mahalaga na mayroong tutulong at tutulong sa iyo ano man ang mangyari. Bago ka umalis, alamin kung ano anong organisasyon ang tumutulong sa mga migrante sa iyong target destination.

Mahirap magtrabaho sa ibang bansa dahil maari mong itaya ang buhay mo ng hindi mo sinasadya. Laging maghanda sa pamamagitan ng pag-aral ng mga bansang nais puntahan sa papamagitan ng research.

Nais niyo bang malaman kung ano ang International Labour Organization at misyon nito sa ating mga buhay? Panoorin ang video na ito:

Kung kayo po ay may gustong itanong, maari po kayong magmensahe sa amin sa Facebook o kaya sa aming contact us form. Maraming salamat po mula sa My Labor Matters.