6 na Challenges sa Bawat OFW at Kanilang Mga Solusyon

g935

Kadalasan, may anim na klaseng problema ang bubulaga sa mga bagong OFW. Ano-ano ba ang mga ito? Ang masaklap pa, maari silang umatake ng sabay-sabay kapag nasa abroad ka na.

Gayun pa man, kung may problema, mayroon ding lunas. Halina’t pag-usapan natin ang mga hamon na inyong kakaharapin kahit kayo’y nasa Dubai man o kaya’y nasa Tokyo.

1. Culture Shock

Hindi naman siguro lingid sa inyong kaalaman na iba-iba ang kultura ng bawat bansa sa mundo. Ngunit iba-iba ang kakayahan ng bawat tao na mag-adjust sa paraan ng pamumuhay ng ibang bansa. Maaring hindi makapag-adjust ang isang OFW dahil iba ang wika o relihiyon sa bansang pinapasukan. Puwede ding hindi maging maganda ang experience ng migrante dahil limitado ang kalayaan sa pag-samba o kaya ay hindi kayang kainin o iluto ang pagkain sa bansang pinagtratrabahuhan. Kung hindi kayang makisama sa lipunan ng inyong bansang tinutuluyan, para na rin kayong nakulong.

Solusyon: Research

Simple lang ang solusyon dito. Bago umalis, dapat muna ninyong i-research ang bansang tutuluyan. Mayroon naming Internet at marami nang impormasyon ngayon ukol sa bawat pook sa bawat sulok ng mundo. Puwede din kayong mag-interview ng mga OFW na kakauwi lang mula sa bansang gusto ninyong puntahan. Higit sa lahat, upang mas makapaghanda kayo, pag-aralan ninyo yung language ng bansang iyon.

2. Pagbabago sa Kapaligiran

Bukod sa kultura, iba din ang klima at anyo ng lupain ng bawat bansa. Iba-iba din ang natural resources kaya asahan na mayroong lalabis o mayroong kukulang. Halimbawa, kakaunti ang tubig sa Middle East at kadalasang lumalabas sa mga gripo ay tubig-dagat. Gusto mo bang maligo gamit ang tubig na maalat? Kaya ang mga Pilipino ay nagsa-shower gamit ang mineral water. Sa Japan naman, sobrang lamig kapag winter. Ayaw na ayaw ng mga Pilipino sa Japan ang winter dahil bukod sa nakakangatog na ginaw, maaring tumaas ang konsumo ng kuryente ng tatlong beses kung parating naka-on ang heater.

Solusyon: Mag-interview sa mga nanggaling na OFW doon.

Kadalasan, kahit nabasa na natin ang impormasyon tungkol sa bansang tutuluyan, hindi pa din tayo tuluyang handa. Maraming bagay ang matutunan tungkol sa isang lugar kung nandoon ka na. Kailangan kasi lahat ng pandama para malaman ang lahat-lahat. Walang magandang tanungin kung hindi yung mga nakapagbiyahe na at nanirahan sa bansang mamamasukan. Kapag nakapagtanong ka na, isiping maigi kung tutuloy ka o hindi o kung kaya ba ng katawan mo ang hinihinging adjustment.

3. Pakikisama sa Trabaho

Ika nga nating mga Pilipino, “bagong hari, bagong ugali.” Ngayon naman “bagong upisina, bagong pakikisama.” Ang bawat organisasyon sa ibang bansa ay mayroong iba-ibang management style at iba-ibang kultura ng pagtratrabaho. Halimbawa, sa Japan, hindi ka maaring umuwi ng mas maaga kaysa sa boss mo. Kapag ginawa mo ito, ang magiging tingin sa iyo ng mga katrabaho mong Hapon ay makasarili ka at hindi mo iniisip ang kapakanan ng kumpanya.

Solusyon: Pag-aralan ang istilo ng pagtratrabaho sa bansang tinatarget at usisain ang kumpanyang papasukan.

Walang ibang mainam gawin kung hindi mag-research at mag-aral bago umalis. Pag-aralan ang working style ng bawat nationality at hindi ka mapapahiya. Samantala, dapat pag-aralan ng maigi ang kumpanya na naglabas ng job order na balak mong applayan. Makakatulong na ito sa interview, maari ka pang makatakas sa disgrasya kung makita mo na hindi maganda ang reputasyon ng organisasyon. Dapat magtanong ka din sa representante ng kumpanya para masukat mo kung nababagay ka sa kultura nila.

4. Pagkakaroon ng Homesickness

Ayon sa isang manunulat na si Bienvenido N. Santos, ang Pinoy lang umano ang lahi na namamatay dahil sa kalungkutan. Hindi biro ang homesickness sa ating mga Pilipino dahil tayo ay mahilig makipagkapwa-tao. Maraming mga OFW ang umuuwi dahil sa dahilan na ito at kadalasan ay sinusukat na ng mga employer ang kakayahan ng mga aplikante upang madaig ang homesickness.

Solusyon: Sumali sa community ng mga Pilipino sa bansang tutuluyan

Hindi naman kailangan ng mahabang eksplanasyon dito. Ang kapwa Filipino ay magbibigay sa iyo ng kailangan mong social connections para kayanin ang kalungkutan sa ibang bansa.

5. Krisis

Asahan na maraming krisis ang maaring maengkwentro mula sa natural disaster o kaya ay abusadong employer.

Solusyon: Gumawa ng listahan ng mga maaring lapitan na organisasyon o kawani ng gobyerno kapag emergency

Alamin kung nasaan ang pinakamalapit na embahada ng Pilipinas sa lugar na tinutuluyan para may m-acontact kapag may nangyaring sakuna. Dapat din ay mayroon kang alam na mga emergency services sa inyong lugar upang makahingi ng saklolo sa panahon ng natural disaster.

6. Problema ng Pamilya

Parte ng pagiging pamilya ang pagkakaroon ng problema. Hindi mawawala iyon. Ang mababago lang kapag OFW ka ay ang kawalan ng iyong presensya sa bahay. Maaring maging mitsa ng pagtataksil ng iyong asawa kung isang beses ka lang sa isang taon umuwi. Puwedeng hindi ka makilala ng anak mo dahil lumaki naman siyang wala ka.

Solusyon: Laging gumawa ng paraan para bukas ang komunikasyon sa iyong pamilya.

Hindi man sobrang lunas ito pero marami ng teknolohiya sa komunikasyon ngayon tulad ng Internet. At kung maari, humanap ng paraan kung paano kayo magkakasama-samang mag-anak. Lagi mo silang isama sa iyong balak.
Kailangang matuto ang bawat Pilipino na nagnanais mangibang-bansa ang pagkakaroon ng positive mental attitude dahil madaming problemang kakaharapin. Laging isipan na kung may hadlang o problema, mayroong solusyon.

Kung kailangan ninyo ng gabay o makakausap tungkol sa inyong buhay-trabaho abroad, pumunta lang po sa aming Contact Us section at sabihan kami gamit ang feedback form.