5 Tanong na Kailangang Sagutin Bago Magtrabaho Abroad

5 Tanong Bago Mag-Abroad

Ang bawat tao ay nangangarap makaahon sa hirap, maibigay ang pangangailangan ng pamilya, at makita ang iba’t ibang tanawin ng ibang bansa. Kaya naman kaiga-igaya ang mag-abroad at maging isang OFW. Ngunit hindi madali ang desisyong ito dahil hindi lahat handa upang lumipad at umalis papunta ng ibang bansa.

Hindi maganda ang pakiramdam na madiskubre na hindi pa sapat ang paghahanda kung nasa eroplano na. Kung gusto ninyong mag-OFW, kakailanganin ninyong sagutin ang mga sumusunod na tanong

1. Handa na ba akong iwan ang pamilya ko?

Simulan natin sa pinakamahirap na tanong. Ang bawat OFW ay nagsasabing nagaabroad sila para sa kanilang pamilya. Kung importante ang pamilya sa buhay mo, handa ka nga bang mag impake ng maleta at iwan silang nag-iisa? Kung ang pamilya ang pinaghuhugutan ng kahulugan as buhay, maaring hindi mo din kayanin na wala sila sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay.

2.Qualified nga ba ako?

Bago pa man mag-abroad, dapat tingnan kung mayroon kang mga skills at kaalaman na maaring makatulong sa iyo upang makapasok ng trabaho. Hindi basta-basta tumatanggap ang mga employer ng unskilled worker. Kung may unskilled worker man na makapasok sa ibang bansa, maaaring napakababa ng sahod nila at maaaring mahirap ang sitwasyon nila sa ibang bansa.

3. Kakayanin ko bang mag-adjust sa pamumuhay sa ibang bansa?

Maaring ang bansang nais puntahan ay may kakaibang klima, wika, at kultura. Kung pupunta ka ng ibang bansa, ikaw ang mag-aadjust sa anyo ng kanilang pamumuhay, gawi ng kanilang society, at klima sa kanilang bansa. Kung hindi ka sanay maging estranghero o isang salta o dili kaya’y nahihirapan ka kung hindi mo mabasa ang kanilang paraan ng pagsusulat, baka mahirapan ka kapag nangibang-bansa ka.

4. Kaya ko bang kaharapin ang hamon at peligro?

Madaming challenges kapag pumunta ka sa ibang bansa bukod sa pag-aadjust sa kultura at klima. Kung hindi ka marunong magbasa at magsalita, nandiyan ang posibilidad na maari kang maloko. Ang araw-araw ay magiging hamon sa iyong kaalaman. May mga trabaho din na maaari kang isabak na peligroso o kaya’y sobrang hirap. Habang wala ka, maari ding magkaroon ng problema ang iyong pamilya na wala kang magagawa dahil sa layo ng inyong distansya.

5. May kakayanan ba akong pinansyal?

Kung masagot mo man ang ibang tanong, maaring matisod ka sa usapin ng pera. Hindi mura ang pagpunta ng abroad. Unang-una may mga bansang pinapayagan ang pagsingil ng placement fee na kadalasan ay katumbas ng iyong isang buwan na sahod sa abroad. Nandiyan din ang mga gastos sa medical at sa paglalakad ng iyong papeles. Kung wala kang salapi, maaring hindi umandar ang iyong pag-alis.

Hindi madaling mag-abroad ngunit maaaring maging matiwasay naman ang iyong paghahanda kung masasagot mo ang limang tanong sa itaas. Importante ang iyong mga kasagutan dahil malalaman moa ng iba’t ibang dimension ng paghahanda at mga hamon na maari mong kaharapin. Ang matiyagang pagsagot ay magbibigay sa iyo ng kaalaman at ang mga kaalaman na iyon ay kalahati na ng solusyon sa mga hamon na kakaharapin.

Kung mayroon kayong kuwento o may nais kayong idulog, pumunta lamang sa aming homepage na www.mylabormatters.com at pindutin ang “Contact Us” button. Narito kami upang tumulong at makidamay sa inyo.